Remember me not

June 19th, 2006

Kahapon, 18 ng Hunyo ay Father’s Day, buong mundo ay nag diwang. Sila ang mga kabataan noon at mga mga Ama ngayon na pinagmumulan ng ating mga kabataan ngayon na pag-asa ng ating bayan. At ganon din, ang mga anak nila, pag dating ng araw ay magiging ama rin.

Ngayon po, 19 ng Hunyo.

Marahil, marami o merong iilan sa atin ngayon, ay nakalimutan na ang araw na ito. Ito po ay araw ng aking kapanganakan. Hindi po naman ako nagdaramdam kung sakaling may mga nakalimot at di na alam ang araw na ito. Naiintindihan ko po ang kanilang mga sitwasyon. Lalo na sa ngayon, lubhang napakihirap na ng buhay at marami sa ating mga kababayan ang naghihikahos, walang makain, walang hanapbuhay, walang tirahang maituturing na tunay na bahay, dumarami ang walang pinag aralan at higit sa lahat, katulad din noon, di nag iba ang kalakaran ng buhay. Marami pa rin ang mga api at pinagsamsamantalahan ng mga naghaharing uri. Nag-iba nga lang ang kulay, anyo at lahi. Hindi na mga banyagang Kastila kundi kauring lahi na dahil sa kasakiman ay nagagawang alipustain ang ating Inang bayan at pagsamantahan ang mga mahihina nating mga kababayan.

Maraming taon na ang lumipas. Maraming bagay na ang nagbago. Maraming kaisipan sa mundo ang ating sinubukan, ginaya at ginawa, pero ganon pa rin ang ating katayuan. Di pa rin nakakaahon ang karamihan sa ating mga kababayan at ang ating inang bayan ay nagdarahop pa rin. Mas masahol pa sa lugmok, nakabaon na sa umalingasaw na putikan.

Marahil di na nga angkop ang mga ipinaglaban ko noon. Marahil di na siguro matutupad ang mga pangarap ko sa bansa natin. Marahil ang tula na ginawa ko noong mga ilang oras bago ako barilin ng mga sundalong Kastila ay nagkaroon ng literal na kahulugan. Talaga yatang “Adios, Patria Adorada” (Farewell, Beloved Country) na.

Saan kaya tutungo ang ating bansa. Kailan kaya magkakaroon ng pantay na pantay na karapatan ang mga kababayan natin sa batas, sa buhay, sa oportunidad, sa edukasyon at sa maraming bagay.

Tulad din noon, wala pang nagbabago. Ganito tayo noon ganito pa rin tayo ngayon. Hindi man sabihin, pero marami pa rin ang turing sa atin ay alipin. Alipin sa ibang bansa, alipin pa sa sariling bayan, hindi ng mga banyagang kastila, kundi ng mga kauri natin. Buhay pa rin si Capitan Tiago, Fadre Damaso, ang mga prayle, ang mga kauri nilang mapang-api, ganid at sakim, mga batas na mapanikil at di pantay, sistemang di makatao at pabor lang sa iilan at mga buwis na mapanikil at nakakamatay. Iba na ang panahon, maraming taon na ang lumipas, pero ganon pa rin halos ang sitwasyon, iba man ang kulay at uri pero iisa ang ugali at kalupitan.

Hanggang Kailan kaya? Hanggang kailan kaya tatagal? Makakakayanan pa kaya?

Bago ako magtapos at bago ko makalimutan, PEPE nga po pala ang palayaw ko at Jose naman ang tunay kong pangalan.

Kaarawan ko ngayon. Hunyo 19, naalala mo pa ba? Ang Noli at Fili, tanda mo pa rin ba?

Related post : Ang Tanging Ina N’yo!

Entry Filed under: Daily Life

4 Comments

  • 1. ann  |  June 26th, 2006 at 1:15 pm

    Kala ko ikaw nga ang may birthday. Sa kabisihan ng tao malamang nga wala nang makaalala sa birthday ni Pepe. Yung kamatayan nya kaya lang alam ng tao yan dahil holiday sya.

  • 2. myepinoy  |  June 26th, 2006 at 2:38 pm

    @Ann : Ganon talaga siguro. Pag dating din ng araw at tayo ay lumipas na, ng maraming panahon, di imposibleng ganon din ang magyayari sa atin.

    Wala talagang nanatiling habang panahon sa mundo. Kaya dapat, Live Ur Life! sa lahat ng oras dito sa mundo.Malalim ba?

    God bless you, KD and your kids.

  • 3. melai  |  June 27th, 2006 at 4:50 am

    magaling kang magsulat …. habang binabasa ko to gusto ko sanang sabihing belated happy birthday dahil halos napaniwala akong kaarawan mo
    pero sorry hindi ako naniniwala na ganyan ang ideya ni Jose Rizal noong panahong nabubuhay pa siya..nandoon ang bahid ng nasyonalismo sa mga sulat niya …. pero sad to say, ang mga panulat niya ay hindi ko nailalayo sa mga prinsipyong tangan tangan ng napakarami nating pulitiko :)

  • 4. myepinoy  |  June 27th, 2006 at 11:56 pm

    @melai: Ayos na sana ang simula. Yon pala sa huli eh kokontra ka (biro lang). Alam mo expected ko na di ka naniniwala sa ideya ni Rizal. Di na ko kokontra.

    Maraming salamat sa yo. Apat pa lang kayo nagsabi na magaling ako magsulat: ang nanay at tatay ko, ang asawa ko at ikaw. Meron pa palang isa, yong masungit kong tiser sa Inglis noong college ako.

    Salamat ulit.


Calendar

June 2006
M T W T F S S
« May   Jul »
 1234
567891011
12131415161718
19202122232425
2627282930  

Most Recent Posts