Archive for August, 2006

My broken shoes

Pumila ako sa ABS-CBN para makasali sa Wowowee,  isang noontime show. Ang dami namin. Sa kabutihang palad, natanggap ako bilang contestant sa Willie of Fortune. Kasi po, meron naman akong talent. Sa totoo lang magaling po talaga ako kumanta.

Sa araw ng palabas, masayang masaya ako. Kasama ko pa ang nanay ko na talaga naman parang stage mother ang dating. Todo po ang porma nya.  Ako naman normal lang, nakamaong at naka rubber shoes.

Kinakabahan ako at siempre excited. Live ako sa buong mundo. Yehey, nasa TV na ako. Pero, nangyari ang kahindik-hindik sa national television at ito ang hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko.

Noong tinawag na ako,  dali-dali akong lumakad sa gitna, doon sa aming paglalaruan kung saan naghihintay si Kuya Willie, ang host ng show. Pero bago pa ako tuluyang makarating sa gitna, tumalsik po ang swelas ng sapatos ko. Opo, kita sa buong mundo, natanggal ang swelas ng kanang sapatos ko. At pati yong isa, napansin ni Kuya Willie na nakanganga na rin at malapit na ring bumigay ang swelas.

Nakakainis at nakatawa di ba? Mukha akong eng-eng o mukhang kawawa, depende na kung ano ang takbo ng utak ng mga nanonood ng oras na yon

Pero kahit ganito ang sitwasyon ko, tuloy pa rin. Nakangiti pa rin ako at di ako sumuko. Kahit paika-ika ako, at kinakaladkad ko ang sira kung sapatos, sige pa rin. Eh ano ngayon. Di naman ako anak ng mayaman eh. Ano naman pakialam nila sa akin at ano naman ang pakialam ko sa kanila. Kung mahihiya ako at di na tutuloy, ano naman ang mapapala ko. Hindi naman ang sirang sapatos ang talent ko. Di ba, hindi naman sya ang kakanta. Ako yon. And this is the moment. Ito na ang pagkakataon ko na maipakita ang galing ko sa pag awit. At take note, nakabroadcast po ito sa Buong mundo via The Filipino Channel.  Kaya buong tapang, sa harap ng live audience, kumanta ako at tuloy lang ang pakikipagsapalaran. Sabi nga, the show must go on. My life must go on. With or without swelas ang sapatos ko.

Siguro po, magtatanong kayo bakit sirang sapatos ang isinuot ko?

Ewan ko ba, mapagbiro yata talaga ang buhay. Eh kasi ba naman, di ko makita yong matino kung sapatos, nawala sya eh. Di ko alam kung merong kumuha o talaga lang di ko makita dahil excited ako.  Kaya hayun, naging very unforgettable talaga ang aking karanasan.

Kahit ganon ang nagyari, napatunayan ko sa sarili ko na kahit anong sitwasyon at katayuan ko sa buhay, kaya kung tumayo at lumaban.

At ito po ang maganda, sabi po ni Kuya Willie, babalik daw ang batch naming mga contestants para kumanta sa show na Wowowee. Opo, as in mag pe-perform kami. O di ba, talagang grabe, very unforgettable experience talaga ito.

Kung nakapanood po kayo sa TFC kahapon, Agosto 29, 2006, ang salaysay na ito ay tunay na pangyayari sa buhay noong isang batang contestant sa Wowowee. Ha ha ha. Akala ninyo ako yon ano. Pero alam ko na alam nyo na imposible yon kasi, wala pa naman Wowowee noong panahon ko.  Bakit sa first person ang pagkaka-narrate? Eh kasi naisip ko, kung sumikat yong bata at ipasulat sa akin ang kanyang unforgettable experience, di ba dapat ganito.

Sa totoo lang, hindi naman yon ang point ko dito eh. Ang talagang gusto ko ipaalam sa buong mundo, tayong mga Pinoy ay talagang fighter, survivor at talagang angat sa iba.

Di ba, ganito rin ang sitwasyon ng bayan natin at mga mamamayan ng ating bansa. Maraming pagsubok tayong mga Pinoy na pinadadaan isa na rito ang kahirapan. Ang kawalan ng ikabubuhay, pagiging salat sa lahat ng kagaanan sa buhay. Kahit basic necessities marami sa atin wala.

Pero, kahit ganito man ang sitwasyon nating mga Pinoy, di tayo marunong sumuko. Kaya pa rin nating ngumiti kahit na halos sagad na sa buto ang kahirapan. At higit sa lahat, di tayo nagagapi ng kung ano pa mang balakid sa ating buhay bilang Pinoy. Kaya nating lagpasan ito.

At tulad ng karanansan noong bata, kahit na merong taong kumuha o nandugas ng matinong sapatos, na maihahanlintulad natin sa mga mandarambong na pulitiko natin, hindi tayo mapipigilan sa pakikibaka.

At ito ang buod ng istoryang ito.

Mabuhay ang mga tunay na Pinoy!

Kaugnay na panulat sa Inglis :            

More than a thousand words
We are who we are
The digger of the ditch
Deal or No Deal: a matter of common sense

5 comments August 30th, 2006

What is the English of..

Habang ginagawa ko ang isang post ko sa kabilang blog ko na may pamagat o titulong Am I normal or ab-ove normal?, may dalawang salitang tagalog ang nahirapan ako sa paghahanap ng tamang salita sa inglis.

Ang una po ay pakikisama. Ano nga ba ang eksakto o tamang salita sa inglis ng pakikisama? Marami akong ka opisanang Pinoy na tinanong pero wala ring maiisip na iisang salita sa inglis na akmang-akma. Dahil gusto ko talagang matutunan kung meron nga, pinuntahan ko ang kaibigan kung kano na dalubhasa sa English pero wala din syang masabi. Tulad ng mga naunang mga Pinoy na pinagtanungan ko, ang kanilang sinabi ay “something like or similar to” ang sagot.

Ang ikalawa po ay sayang. Ano nga ba ang eksakto o tamang salita sa inglis ng sayang? At tulad ng pakikisama, wala din itong equivalent o eksakto o nagiisang salita sa inglis.

Kaya, para matuloy ang post ko na Am I normal or ab-ove normal?, inilagay ko na lang na “similar to”. Sabi noong isa ilagay ko raw ay sounds like pero sabi ni Kulas di daw tama kasi di naman daw ito katulad noong game na nilalaro kapag hinuhulaan mo ang isang salita, bagay o tao. Nakakatawa daw kung ilalagay ko ay sounds like kasi ganito daw ang sounds like sa inglis “pak ke ke sa ma” at “say yang”. Iba ang tunog di ba?

Kung ating pag iisipan, talagang maganda ang ating wika, punong-puno ng buhay at talagang tumbok na tumbok ang kahulugan. Di na kailangan pang magpatumpik-tumpik pa o gumamit ng mga sets of word to describe something. Eksakto ito. Tagos sa puso.

Naiisip ko, ito marahil ang dahilan kung bakit tayong mga Pinoy, kapag merong mga maseselang bagay na gustong sabihin, di natin ginagamit ang salita natin.  Halimbawa, tungkol sa sekswalidad (Love making instead of I***** or K+++++++), parte ng katawan (vagina instead of P*** or K—), pag galit (f*** you instead of P.I. mo), at kung ano ano pa. Kita nyo, di ko nga  masabi ng deretso dito.

Pero teka, once and for all (ano tagalog dito?) ano nga ba ang inglis sa pakikisama at sayang? Dagdag ni Jeff na ka opisina ko, ano daw ang inglis sa “Pang-ilang pangulo ba si Erap?”

O melai/malen, what is your comment or take on this? Hihintayin ko sagot mo.

12 comments August 21st, 2006

Getting back to normal

Magandang araw po sa inyong lahat.

Unti-unti na po akong nakakabalik sa aking pagba blog. Malapit ng matapos ang mga bagay bagay na kailangan kung ilagay sa aking bagong makina.

Na mi-miss ko na nga po ang regular blogging routine ko simula noong bumigay ang dati kong PC. Akala ko kasi meron pang pag-asa na maayos ito pero wala na. Ito pala ang problema pag branded ang binili mong PC, mahirap hanapin ang pyesa kasi hindi sya available sa mga ordinayong tindahan. Kailangan pa doon mismo sa manufacturer pero kadalasan pag lumang model na di na rin supported at wala na talagang pyesa.

Nakakatawa ang nangyari. Pinabilis ko ang pagka dedo ng luma kong pc. Parang nasilya elektrika ito. Sabi kasi noong gumawa baka isa daw sa dahilan ay mahina ang dumadaloy na koryente. Kaya ang ginawa ko, pinalitan ko ang power voltage mula sa 220 to 110 volts at inilipat ko sa solong saksakan na 110 volts. Sa kasamaang palad nandoon pa rin yong problema. Kaya naisipan ko ibalik na lang sa dating saksakan na 220 volts.

Noong ibinalik ko na sa 220, inuna kung isaksak yong sa monitor pero nagkamali ako. Ang akala ko ang hawak hawak kung cable ay sa monitor. Yon pala ay sa CPU ito, na nakalagay pa sa 110 volts at hindi ko pa naiibalik sa 220 volts.. Kaya hayun, nakoryente ng sobra. Bumigay ang power supply.

At iyon na ang katapusan ng aking IBM NetVista Destop pc, death sentence through electrocution by the stupid boss. ha ha ha.

Ang akala nga naman, maraming kapahamakan

4 comments August 13th, 2006

The story of our lives

Ngayon lang ulit ako makapag blag ng normal. Tulad ng nsabi ko sa singit kung post sa ibaba, na-r.i.p na ang antigo at loya friend kung IBM pc.

Kanina, habang walang ginagawa sa opisina, napadaan ako sa bahay ni melai. Sa dulo ng posta nyang isang araw sa kalye, siya po ay namamaalam:

.. at pansamantalang ako’y magpapa-alam na muna sa mga kaibigang blagista at mga bisita na walang sawang pumupunta dito galing sa mga search engine..pasensiya na at wala kayong makuhang makakatulong para sa mga researches ninyo. Ito ang panahon ng pamamahinga mula sa pagbablag. MARAMING SALAMAT SA LAHAT! HANGGANG SA MULI!

Sa unang pagbasa mo sa istoryang ito, parang simple lang sya pero kung iyong pag-iisipan ang mga pangyayari sa bida ng istorya, malalim ang kahulugan nito. Lalong magiging relevant ito kung iuugnay mo ito sa mga PINAGDADAANAN natin sa ating buhay.

Kaya nga habang binabasa ko ang kwento, nagkaroon ng ilaw ang utak ko. Kaya, naisipan kung isa-isang himayin ang nakasulat sa istorya at ito ang kinalabasan.

Totoo nga na ang buhay natin sa mundo ay isang mahabang paglalakbay. Paglalakbay na punong puno ng kulay. Dumarating ang mga pagkakataon na ito ay mahirap, minsan magaan, masaya o di kaya naman malungkot. Sa paglipas ng panahon sari-saring karanasan ang ating pagdadaanan at sa bawat kumpay ng ating mga kamay at paa, sa bawat pag hinga at pagkilos, lahat ng ito ay may kabuluhan at may aral na matututunan.

Maraming sitwasyon ang hindi kanais nais, pero marami sa atin ang malakas ang loob na harapin kung ano man ito. Di tayo sumusuko sa halip gumagawa tayo ng kung ano anong paraan para makaalis sa sitwasyong di kanais-nais:

Pinara ko ang sasakyan at nagkunwari na may naiwan sa aking pinanggalingan. Iniisip ko, kailangan akong makahanap ng singkwenta sentimos, ayaw ko talagang magbayad ng kulang at baka mapahiya lang ako sa drayber at sa sinumang makasakay ko.

…Bahala na ang sabi ko…. mag one-two-three? napangiti ako sa sarili ko.

Sa mga pagkakataong challenging ang ating kinalalagyan, di natin maiwasan na ilimit lang ang ating pananaw sa iisang bagay - solusyon. At dito lahat natin itinutuon ang ating attention at lakasa na sa kadalasan ay nakakaligtaan na natin ang mga bagay na iba.

Habang naglalakad nakatungo ako, baka may mahagip ang mata ko ng isang singkwenta, o kaya mas malaki pa, pwedeng piso, limampiso. beinte….basta! Ang tanging laman lang ng aking isip ng mga panahon na iyon ay makahanap ng pangsakto sa pamasahe ko.

Lingon dito lingon doon, yuko, dampot, tayo hagis. Amputang buhay to oo!! Maniniwala ka bang may 20 mil akong hawak kanina? Pinambayad sa ospital ang disisais, may binili ako sa isang bookstore na libro, nagpadala ng sulat sa fedex at meron pang iba..hindi ko na maisip kung ano pa pinagkagastusan ko.

…dahil abala ako sa 50 sentimos na kulang sa pamasahe ko.
Hindi ko na namamalayan na nagsasalita na pala ako habang naglalakad. Tinitignan na ako ng mga tao.

Sa paghahanap din ng solusyon, maraming beses na nagagalit at napapamura tayo. Nag-iiba ang ating ugali. Maraming bagay na di natin ginagawa at sinasabi dati, ngayon nagagawa at nasasabi na natin.

“Putsa!” napapamura na ko, halos nakakalahati na yung nilalakad ko. Mababaliw na ata ako….kailangan ko ng singkwenta sentimos para makasakay na ako. Maya-maya ay may natalisod ang aking paa, sinipat-sipat ko ito dahil mukha siyang pera. Yumuko ako at pinulot yung nakita ko.

Poteks!! isang metal na hugis bilog lang pala. Tingga amputah!Siyet! tangna!tangna! ting ama talaga! Hindi ako nagmumura kahit na lumaki ako sa isang lugar na ang mura ay ginagawang almusal, pananghalian at hapunan ng mga kapitbahay. Hindi! nagmumura pala ako pero lagi na sa isip lang. At ngayon ang pinakamagandang panahon ng pagmumura dahil nangangapos na ang hininga ko sa malayong paglalakad gawa ng singkwenta sentimos na kulang sa pamasahe ko.

Malimit ang mga institusyon na ito ay may kinalaman sa sitwasyon at sa buhay natin.

Ang gobyerno na walang silbi.

Nadaanan ko na ang Manila City Hall, lipat ako sa kabila papuntang lawton, lakad takbo nakalimutan ko na ata ang singkwenta sentimos na kailangan ko. Malapit na ko! malapit na ko! Aaaahhhhhhh!!!!

Ang simbahan na takbuhan ng marami kapag tila wala ng pag-asa.

Hanggang sa ma-aninag ng ng mga mata ko ang Binondo Church.

Pumasok ako doon at umupo sa may likurang upuan. Hindi ako nagdasal. Hindi ako humiling ng singkwenta sentimos. Napapagod lang ako at ang upuan sa tabi ng bentilador sa may kisame ang magandang pagpahingahan ng napagal kong mga paa.

Pero, kung ano man ang ating pinagdadaanan, tayo ring mga tao ang talagang magdedesisiyon, kung itutuloy pa rin ang pakikibaka sa buhay o susuko na.

Hanggang sa napagpasiyahan kong lumabas at tuluyang ng umuwi. Bahala na ang sabi ko….

Lakad ako hanggang sa umabot sa sakayan ng Velasquez. Nagdadalawang isip pa ako kung sasakay o maglalakad na lang ulit. Nakaya ko nga ang mula Pedro Gil hanggang dito sa Divisoria e, hanggang Velasquez pa kaya na mas maikli ang byahe. Pero pagod na ko, pagod na pagod.

At sa bandang huli, napapagtagumpayan din ang buhay. Pag minsan mahirap din intindihin ang tunay na Big Brother doon sa itaas ano? Magaling ang timing nya sa pagpapadala ng tunay na tao na nakahandang tulungan ka. Di ko alam kung ito ang tinatawag na anghel na hulog ng langit o nagkakataon lang.

“Mang Jun!” biglang umaliwalas ang kanina’y pagod na pagod na mukha ko. “Mang Jun! Mang Jun! Kumusta po?” “Aba naman! namiss mo ako ineng ano?” sabi ni Mang Jun na nasa mukha ang katuwaan ng makita ako.

“Siyempre naman po, tagal na kayong hindi nagagawi sa bahay e!” ang sabi ko na nagpipigil maiyak. Pero tumatawa ako, tumatawa na naiiyak.

Si Mang Jun, ang dating service driver ng nanay ko sa pagtitinda ang anghel dela gwardya ko ngayong araw na ito.

Talaga nga naman. Mahirap talagang ipaliwanag ang buhay ng tao. Maraming paliko-liko, meron din na deretso ang takbo. Sari-saring bagay ang matutunan mo. Maraming emosyon ang iyong mararamdaman, galit, lungkot, tuwa, tagumpay, at kung ano ano pa?

At sa huli, kung di ka susuko, di ka natakot na gawin ang lahat na kaya mo na sa tingin mo ay posible no matter what, lahat ng bagay ay mapagtatagumpayan. Ang buhay natin parang epic movie, telenovela o kaya komiks at ikaw ang bida, live - mala reality show.

Ang masama lang, kung sa kalagitnaan ay bumigay ka. Siguro alam na ninyo ang kakahantungan.

5 comments August 8th, 2006

Being busy, moving and discovering things

Magandang Araw po sa inyong lahat. Hindi po ako makapag-post sa kadahilanang busy po ako sa pag-aayos ng maraming bagay. Unang-una na lumipat ako ng bagong bahay at maraming trabaho. Kasabay nito, tinamaan pa ng virus ang aking antigong IBM NetVista pc at kasalukuyang naghihingalo na sa ICU. Di ko po alam kung maayos pa ito dahil napasama yata doon sa mga itinapon kung mga boxes yong recovery CD’s at kung ano ano pa na kailangan ng antigong pc ko para umandar ng maayos. Mahirap ng hanapin ang ibang pyesa nito at mga drivers. Kagabi, halos tatlong oras akong nag-ikot sa mga shops sa computer souk (market) para humanap ng Hard Disk na 40GB pero wala na akong makita na tamang brand . Merong available pero mga patakbuhin at di mo sigurado kung ilang araw mo magagamit.

Alam ninyo mayroong magandang benepisyo ang paglipat ko ng bagong bahay at pagkasira ng aking computer.

Nakakatulog ako ngayon ng maaga dahil walang computer at wala ding TV – di ko pa napapa set-up ang cable and satellite connection.

Sa pag-aayos ko ng aking mga gamit, naging trip down memory lane ito habang isa isa kong binubulatlat ang laman ng mga mumunting kahon. Nakakaantig ng damdamin ang mga ala-ala na kasama at kalakip sa mga lumang pictures, cards, sulat at drawings ng aking mga anak. Ang bilis talagang lumipas ng panahon. Hay, madami na talagang mga taon at mga araw ang nagpatung-patong sa buhay ko dito sa mundong ibabaw. Parang kailan lang.

Ito ang isang nakakatawa. Marami pala akong pants and polo shirts na malalaki at mga bago (dati), nakakabit pa tags at presyo na hindi ko nagamit. Aba, umabot pala ang waistline ko ng 40 plus at ang mga polo and T-shirts ko, karamihan XL. Ang nakakatuwa, nadiskubre ko rin sa isang maleta na marami din pala akong pants na size 34 na pwede ko na ulit gamitin.

At ito ang mas masaya. Meron pa akong unused underwear na 3 packs (3 pieces each). Siguro alam na rin ninyo ang size. He he he!

Dito na lang muna ang post ko, singit lang kasi ito eh. Sa susunod na lang ako babawi.

Maraming salamat sa iyong pagbisita.

2 comments August 1st, 2006


Calendar

August 2006
M T W T F S S
« Jul   Sep »
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
28293031  

Posts by Month

Posts by Category