Archive for August 8th, 2006

The story of our lives

Ngayon lang ulit ako makapag blag ng normal. Tulad ng nsabi ko sa singit kung post sa ibaba, na-r.i.p na ang antigo at loya friend kung IBM pc.

Kanina, habang walang ginagawa sa opisina, napadaan ako sa bahay ni melai. Sa dulo ng posta nyang isang araw sa kalye, siya po ay namamaalam:

.. at pansamantalang ako’y magpapa-alam na muna sa mga kaibigang blagista at mga bisita na walang sawang pumupunta dito galing sa mga search engine..pasensiya na at wala kayong makuhang makakatulong para sa mga researches ninyo. Ito ang panahon ng pamamahinga mula sa pagbablag. MARAMING SALAMAT SA LAHAT! HANGGANG SA MULI!

Sa unang pagbasa mo sa istoryang ito, parang simple lang sya pero kung iyong pag-iisipan ang mga pangyayari sa bida ng istorya, malalim ang kahulugan nito. Lalong magiging relevant ito kung iuugnay mo ito sa mga PINAGDADAANAN natin sa ating buhay.

Kaya nga habang binabasa ko ang kwento, nagkaroon ng ilaw ang utak ko. Kaya, naisipan kung isa-isang himayin ang nakasulat sa istorya at ito ang kinalabasan.

Totoo nga na ang buhay natin sa mundo ay isang mahabang paglalakbay. Paglalakbay na punong puno ng kulay. Dumarating ang mga pagkakataon na ito ay mahirap, minsan magaan, masaya o di kaya naman malungkot. Sa paglipas ng panahon sari-saring karanasan ang ating pagdadaanan at sa bawat kumpay ng ating mga kamay at paa, sa bawat pag hinga at pagkilos, lahat ng ito ay may kabuluhan at may aral na matututunan.

Maraming sitwasyon ang hindi kanais nais, pero marami sa atin ang malakas ang loob na harapin kung ano man ito. Di tayo sumusuko sa halip gumagawa tayo ng kung ano anong paraan para makaalis sa sitwasyong di kanais-nais:

Pinara ko ang sasakyan at nagkunwari na may naiwan sa aking pinanggalingan. Iniisip ko, kailangan akong makahanap ng singkwenta sentimos, ayaw ko talagang magbayad ng kulang at baka mapahiya lang ako sa drayber at sa sinumang makasakay ko.

…Bahala na ang sabi ko…. mag one-two-three? napangiti ako sa sarili ko.

Sa mga pagkakataong challenging ang ating kinalalagyan, di natin maiwasan na ilimit lang ang ating pananaw sa iisang bagay - solusyon. At dito lahat natin itinutuon ang ating attention at lakasa na sa kadalasan ay nakakaligtaan na natin ang mga bagay na iba.

Habang naglalakad nakatungo ako, baka may mahagip ang mata ko ng isang singkwenta, o kaya mas malaki pa, pwedeng piso, limampiso. beinte….basta! Ang tanging laman lang ng aking isip ng mga panahon na iyon ay makahanap ng pangsakto sa pamasahe ko.

Lingon dito lingon doon, yuko, dampot, tayo hagis. Amputang buhay to oo!! Maniniwala ka bang may 20 mil akong hawak kanina? Pinambayad sa ospital ang disisais, may binili ako sa isang bookstore na libro, nagpadala ng sulat sa fedex at meron pang iba..hindi ko na maisip kung ano pa pinagkagastusan ko.

…dahil abala ako sa 50 sentimos na kulang sa pamasahe ko.
Hindi ko na namamalayan na nagsasalita na pala ako habang naglalakad. Tinitignan na ako ng mga tao.

Sa paghahanap din ng solusyon, maraming beses na nagagalit at napapamura tayo. Nag-iiba ang ating ugali. Maraming bagay na di natin ginagawa at sinasabi dati, ngayon nagagawa at nasasabi na natin.

“Putsa!” napapamura na ko, halos nakakalahati na yung nilalakad ko. Mababaliw na ata ako….kailangan ko ng singkwenta sentimos para makasakay na ako. Maya-maya ay may natalisod ang aking paa, sinipat-sipat ko ito dahil mukha siyang pera. Yumuko ako at pinulot yung nakita ko.

Poteks!! isang metal na hugis bilog lang pala. Tingga amputah!Siyet! tangna!tangna! ting ama talaga! Hindi ako nagmumura kahit na lumaki ako sa isang lugar na ang mura ay ginagawang almusal, pananghalian at hapunan ng mga kapitbahay. Hindi! nagmumura pala ako pero lagi na sa isip lang. At ngayon ang pinakamagandang panahon ng pagmumura dahil nangangapos na ang hininga ko sa malayong paglalakad gawa ng singkwenta sentimos na kulang sa pamasahe ko.

Malimit ang mga institusyon na ito ay may kinalaman sa sitwasyon at sa buhay natin.

Ang gobyerno na walang silbi.

Nadaanan ko na ang Manila City Hall, lipat ako sa kabila papuntang lawton, lakad takbo nakalimutan ko na ata ang singkwenta sentimos na kailangan ko. Malapit na ko! malapit na ko! Aaaahhhhhhh!!!!

Ang simbahan na takbuhan ng marami kapag tila wala ng pag-asa.

Hanggang sa ma-aninag ng ng mga mata ko ang Binondo Church.

Pumasok ako doon at umupo sa may likurang upuan. Hindi ako nagdasal. Hindi ako humiling ng singkwenta sentimos. Napapagod lang ako at ang upuan sa tabi ng bentilador sa may kisame ang magandang pagpahingahan ng napagal kong mga paa.

Pero, kung ano man ang ating pinagdadaanan, tayo ring mga tao ang talagang magdedesisiyon, kung itutuloy pa rin ang pakikibaka sa buhay o susuko na.

Hanggang sa napagpasiyahan kong lumabas at tuluyang ng umuwi. Bahala na ang sabi ko….

Lakad ako hanggang sa umabot sa sakayan ng Velasquez. Nagdadalawang isip pa ako kung sasakay o maglalakad na lang ulit. Nakaya ko nga ang mula Pedro Gil hanggang dito sa Divisoria e, hanggang Velasquez pa kaya na mas maikli ang byahe. Pero pagod na ko, pagod na pagod.

At sa bandang huli, napapagtagumpayan din ang buhay. Pag minsan mahirap din intindihin ang tunay na Big Brother doon sa itaas ano? Magaling ang timing nya sa pagpapadala ng tunay na tao na nakahandang tulungan ka. Di ko alam kung ito ang tinatawag na anghel na hulog ng langit o nagkakataon lang.

“Mang Jun!” biglang umaliwalas ang kanina’y pagod na pagod na mukha ko. “Mang Jun! Mang Jun! Kumusta po?” “Aba naman! namiss mo ako ineng ano?” sabi ni Mang Jun na nasa mukha ang katuwaan ng makita ako.

“Siyempre naman po, tagal na kayong hindi nagagawi sa bahay e!” ang sabi ko na nagpipigil maiyak. Pero tumatawa ako, tumatawa na naiiyak.

Si Mang Jun, ang dating service driver ng nanay ko sa pagtitinda ang anghel dela gwardya ko ngayong araw na ito.

Talaga nga naman. Mahirap talagang ipaliwanag ang buhay ng tao. Maraming paliko-liko, meron din na deretso ang takbo. Sari-saring bagay ang matutunan mo. Maraming emosyon ang iyong mararamdaman, galit, lungkot, tuwa, tagumpay, at kung ano ano pa?

At sa huli, kung di ka susuko, di ka natakot na gawin ang lahat na kaya mo na sa tingin mo ay posible no matter what, lahat ng bagay ay mapagtatagumpayan. Ang buhay natin parang epic movie, telenovela o kaya komiks at ikaw ang bida, live - mala reality show.

Ang masama lang, kung sa kalagitnaan ay bumigay ka. Siguro alam na ninyo ang kakahantungan.

5 comments August 8th, 2006


Calendar

August 2006
M T W T F S S
« Jul   Sep »
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
28293031  

Posts by Month

Posts by Category